Friday, June 30, 2006

napakahabang maikling kwento.

akala ko nun play ang buhay ko. naku, maikling kwento pala.

ang daming patterns. ang daaaaming characters. iba-ibang setting. (masyadong mahirap kung sa dula). madali lang intindihin, kahit isang upuan lang. (kaya nga hindi pumasang nobela). punung-puno ng emosyon. makulay.

at syempre, ako ang bida.

ngayon ko lang napagtanto itong life-changing fact (for me at least, katotohanan ito).

akala ko nung bata pa ako pinanganak ako para iligtas ang mundo. inisip ko pa noon na may superpowers na binigay sakin para mai-save ang earth. akala ko lang pala yon. sobra pa sa patunay ang lahat ng nangyayari ngayon. hindi pala ako ganun kagaling.

masyado nang maraming kontrabida sa istorya. ang hirap nilang labanan, ang hirap nilang harapin. ang malungkot pa dito, alam ko namang kaya ko, kaya lang alam ko ring mahirap gawin yon. kailangan ng paninindigan, kailangan ng tapang.

nalulungkot ang bida sa kwento. ang sikip na kasi ng mundo. seryoso. palaging present ang mga antagonists para igapos ang mga kamay ko. kamusta naman ang di ko paggalaw. naku, kailangan na talaga ng espasyo.

ang hirap naman ng conflict. di makapagsalita ang bida, as in literal. di nya masabi na literal na siyang nasisikipan dahil sa pagdating nila. di nya masabi yung opinyon nya dahil baka mahalata pang di talaga sya mahilig mag-recite. di nya mailabas yung totoong bida dahil bago pa lang siya. at hindi niya masabi sa kanya lahat ng gusto nyang sabihin.

nakakapagod maghinanakit sa mga kontrabida.

pahinga muna. baka sa susunod na mga pahina, resolution na.

Tuesday, June 13, 2006

forces of nature.

Ang galing talaga ng panahon. Kung kailan nagsimula akong maglakad, tsaka nagbuhos ng malakas na ulan.

Ang galing talaga ng panahon. Nadumihan pa ang puti kong jacket.

Ang galing talaga ng panahon. Nagulo ang buhok kong matagal kong inayos sa mcdo.

Ang galing talaga ng panahon. Naputikan ang paa at legs ko.

Ang galing talaga ng panahon. Nasermonan pa ako dahil nahuli ako sa usapan.

Ang galing talaga ng panahon. Naulanan na naman ako pag-uwi ko.

Ang galing talaga ng panahon. Nadumihan ang puti kong jacket.

Baka inutusan ng langit ang panahon para iparating sa akin na hindi ito sang-ayon sa takbo ng buhay ko ngayon. Kasi naman, nagkakataon talaga.

Teka lang panahon, mag-iisip muna ako...

nanaman.

Sunday, June 11, 2006

para kay maestro.

Magiging magaling siyang guro. Bukod sa pagtuturo niya sa akin kung paano ang tamang pag-intindi sa mag likhang-sining, kung gaano kahalaga ang buhay ng mga napag-iiwanan ng makabagong panahon, kung bakit nararapat na alalahanin ang nakalipas ng bawat lugar, tinuruan niya ako kung paano makapunta sa isang mundo...
Sa mundong binibigyan ako ng kalayaan kung ano ang aking gustong paniwalaan, sa mundong humihingi ng aking opinyon at saloobin tungkol sa maliliit na bagay, sa mundong palaging nag-aalala sa akin, sa mundo kung saan mahaba ang oras, sa mundo kung saan napakahalaga ng mga tala, sa mundong nagpakita na mahiwaga ang maglaan ng panahon sa kapwa, sa mundo kung saan palaging tinatawag ang aking pangalan, sa mundong humikayat sa aking mahalin ang mundong tunay kong tirahan, sa mundong nagbigay ng kahalagahan ng ngiti, sa mudong nais marating ng marami, sa mundong hindi ko pa rin alam kung dapat ko na bang lisanin, sa mundong alam kong babalikan ko kung sakali mang ako'y lumisan, sa mundong hindi ko akalain na mapupuntahan ko, sa mundong matagal kong pinaniwalaan na hindi totoo, sa mundong pinilit akong maging ako, sa mundong nagtago ng kalungkutan pansumandali, sa mundong nagpakita ng maraming pagpipiliiang destinasyon, sa mundong mahiwaga, makapangyarihan, at mapangarapin, sa mundong nalaman ko lamang dahil hinayaan ng tadhana na maging bahagi ako ng kanyang buhay.

para kay Boom.

Mabuti na lang at tinamad akong pumasok sa bahay nung Sabado. Naghahanap pala ng "kalaro" ang pinsan kong siyam na taong gulang. Doble ng edad niya ang edad ko ngayon ngunit napakatalino na ng batang ito. Bukod sa palaging kasama sa honor list, kyut pa nag pinsan ko. Ang haba mg pilikmata, ang buhok ay hanggang baywang na, maamo ang mga mata, at may korona pa sa ulo niya. Gusto kong kunin yung korona niya, baka sakaling bumalik ako sa pagkabata at matupad ang pangarap kong maging prinsesa.
Umupo siya sa tabi ko at pinag-usapan namin ang buhay-eskwela niya. Nakatutuwa dahil sinagot niya yung tanong ko na tungkol sa ginagawa niya bago matulog. "Nagpre-pray." Aba, bukod sa sosyal sumagot ang pinsan ko ay mukhang mabait na bata at nagdadasal. Pinagdadasal daw niya na sana maging masaya naman ang susunod niyang araw dahil hindi daw masaya ang nagdaan na araw. May isa pa siyang pinapalangin: sana raw mawala na ang singaw niya sa bibig. Pagkatapos noon ay mahimbing na siyang makkatulog.
Mabuti pa ang pinsan ko wala masyadong pinoproblema. Bata pa lamang siya kaya dapat kakaunti pa lang ang hinihingi niya. Ubos sa akin ang buong gabi kung hihingin ko lahat ng gusto ko. Magmula sa materyal na bagay hanggang sa pangarap kong makalipad, makukulili na ang tenga Niya sa dami. Kasama pa rito ang mga hinanakit ko sa mundo. Ang dami kasi. Minsan sinubukan ko na tong gawin, pero pagdilat ko, umaga na. Sa panaginip ko na lang siguro itinuloy lahat ng panalangin ko.
"Ate Maral, kwentuhan ulit tayo ah." sabi ng pinsan ko kahapon.
Hindi ko alam kung may panahon pa akong umupo sa may bangketa namin, tumingala na naman sa langit, hanapin ang pinakamagandang bituin para sa akin, at maghintay sa tunog ng aking telepono.
"Hayaan mo, ipagdadasal ko mamaya na sana minsan tumigil ang ikot ng mundo para magkaroon ako ng oras para magpahinga at para makausap ka."

para kay lola.

"ano to?"
"lola, lumpia ho."
"ano to?"
"lola, lumpia ho."
"nasaan yung damit ko?"
"nasa cabinet mo.
"nasaan yung damit ko? hindi ko makita."
"nasa cabinet mo nga lola."
"nasaan yung damit ko?ninakaw niyo ano?!"

Parang 50 first dates. Ilang minuto lang ang nakalipas nakalimutan na agad ni lola na tinanong na niya ako kung anong kinakain ko. Nakalimutan na niya na pangatlong beses na niyang tinatanong ang apo niya na kaibigan ko, kung saan nakalagay ang damit niya. Nakakatakot sa bahay nila dahil biglang nagsasalita si lola sa Ilokano, puro mura. Hinahanap pa niya ang isang maliit na bata na hindi niya alam ay binata na.
Ang saklap kapag alaala ang ninanakaw sayo ng panahon. Ninanakaw nga ba? O sadyang nakatakdang ibigay mo ito sa kanya? Ang hirap ng lagay ni lola. Ano kayang pakiramdam ng hindi mo alam na may expiration ang memorya mo? Ano kayang pakiramdam ng hindi naiipon ang masasayang pangyayari sa buhay mo? Anong pakiramdam ng biglang pagtigil ng paglago ng pag-iisip mo? Nakahinto ka na lang sa panahong pinili para sayo ng tadhana.
Alzheimer's disease. Dahan-dahang uubusin ang iyong katinuan matapos makuha ang lahat ng iyong alaala. Nakakapangilabot. Nakakalungkot.
Nakalimutan na siguro ni lola na nagpunta ako sa bahay nila kahapon. Baka pagpunta ko bukas, tanungin na naman niya ako kung anong kinakain ko. Di bale lola, kahit kalimutan mo na minsa'y dumaan ako sa buhay mo, ayos lang, alam ko namang hindi mo yun sinasadya e. Kasalanan ng alzheimer's. Salamat lola, tinuruan mo akong alalahanin ang mga alaalang baka hindi ko na maalala kung kailan ko sila dapat alalahanin.