Sunday, June 11, 2006

para kay lola.

"ano to?"
"lola, lumpia ho."
"ano to?"
"lola, lumpia ho."
"nasaan yung damit ko?"
"nasa cabinet mo.
"nasaan yung damit ko? hindi ko makita."
"nasa cabinet mo nga lola."
"nasaan yung damit ko?ninakaw niyo ano?!"

Parang 50 first dates. Ilang minuto lang ang nakalipas nakalimutan na agad ni lola na tinanong na niya ako kung anong kinakain ko. Nakalimutan na niya na pangatlong beses na niyang tinatanong ang apo niya na kaibigan ko, kung saan nakalagay ang damit niya. Nakakatakot sa bahay nila dahil biglang nagsasalita si lola sa Ilokano, puro mura. Hinahanap pa niya ang isang maliit na bata na hindi niya alam ay binata na.
Ang saklap kapag alaala ang ninanakaw sayo ng panahon. Ninanakaw nga ba? O sadyang nakatakdang ibigay mo ito sa kanya? Ang hirap ng lagay ni lola. Ano kayang pakiramdam ng hindi mo alam na may expiration ang memorya mo? Ano kayang pakiramdam ng hindi naiipon ang masasayang pangyayari sa buhay mo? Anong pakiramdam ng biglang pagtigil ng paglago ng pag-iisip mo? Nakahinto ka na lang sa panahong pinili para sayo ng tadhana.
Alzheimer's disease. Dahan-dahang uubusin ang iyong katinuan matapos makuha ang lahat ng iyong alaala. Nakakapangilabot. Nakakalungkot.
Nakalimutan na siguro ni lola na nagpunta ako sa bahay nila kahapon. Baka pagpunta ko bukas, tanungin na naman niya ako kung anong kinakain ko. Di bale lola, kahit kalimutan mo na minsa'y dumaan ako sa buhay mo, ayos lang, alam ko namang hindi mo yun sinasadya e. Kasalanan ng alzheimer's. Salamat lola, tinuruan mo akong alalahanin ang mga alaalang baka hindi ko na maalala kung kailan ko sila dapat alalahanin.

0 Comments:

Post a Comment

<< Home