Sunday, June 11, 2006

para kay Boom.

Mabuti na lang at tinamad akong pumasok sa bahay nung Sabado. Naghahanap pala ng "kalaro" ang pinsan kong siyam na taong gulang. Doble ng edad niya ang edad ko ngayon ngunit napakatalino na ng batang ito. Bukod sa palaging kasama sa honor list, kyut pa nag pinsan ko. Ang haba mg pilikmata, ang buhok ay hanggang baywang na, maamo ang mga mata, at may korona pa sa ulo niya. Gusto kong kunin yung korona niya, baka sakaling bumalik ako sa pagkabata at matupad ang pangarap kong maging prinsesa.
Umupo siya sa tabi ko at pinag-usapan namin ang buhay-eskwela niya. Nakatutuwa dahil sinagot niya yung tanong ko na tungkol sa ginagawa niya bago matulog. "Nagpre-pray." Aba, bukod sa sosyal sumagot ang pinsan ko ay mukhang mabait na bata at nagdadasal. Pinagdadasal daw niya na sana maging masaya naman ang susunod niyang araw dahil hindi daw masaya ang nagdaan na araw. May isa pa siyang pinapalangin: sana raw mawala na ang singaw niya sa bibig. Pagkatapos noon ay mahimbing na siyang makkatulog.
Mabuti pa ang pinsan ko wala masyadong pinoproblema. Bata pa lamang siya kaya dapat kakaunti pa lang ang hinihingi niya. Ubos sa akin ang buong gabi kung hihingin ko lahat ng gusto ko. Magmula sa materyal na bagay hanggang sa pangarap kong makalipad, makukulili na ang tenga Niya sa dami. Kasama pa rito ang mga hinanakit ko sa mundo. Ang dami kasi. Minsan sinubukan ko na tong gawin, pero pagdilat ko, umaga na. Sa panaginip ko na lang siguro itinuloy lahat ng panalangin ko.
"Ate Maral, kwentuhan ulit tayo ah." sabi ng pinsan ko kahapon.
Hindi ko alam kung may panahon pa akong umupo sa may bangketa namin, tumingala na naman sa langit, hanapin ang pinakamagandang bituin para sa akin, at maghintay sa tunog ng aking telepono.
"Hayaan mo, ipagdadasal ko mamaya na sana minsan tumigil ang ikot ng mundo para magkaroon ako ng oras para magpahinga at para makausap ka."

0 Comments:

Post a Comment

<< Home